Pamuksa
Ni Aurellio G. Angeles
Ikaw ba ay sino: ikaw`y maninilang
may kuko ng lawi`t may tukang pamatay?
pagdumarapo ka sa aking ulunan
ay kinakalahig ang aking paanan!
Kapag bumubuka ang bagwis mong itim,
may ibinabagsak kang nagbabagang lagim....
sa gubat, pag ikaw`y may hahalungkatin
sa liblib ng nasa ang ilaw moy dilim.
Pag dumadalaw ka sa dibdib kong bukas
ang moog kong puso`y iyong tinitibag...
bawat matapatan ng luksa mong pakpak
ay nanlulupaypay ang damdami`t lakas.
Ikaw`y likhang-agham na kapag nabuo,
may kinakandong kang sumisingang punlo;
at ang katawan mo`y pag nag-ibang anyo
ay may naiipong lasong kumukulo.
Ang lagot mong lupit ay di ko maturol
na ang puno`t dulo ay di mapagdugtong...
ngunit hiwaga kang habang nagmamaktol
ay napaluluha ang noon at ngayon.
Ang baka mong puso`y pag naghihimagsik
ay binabagabag ang aking daigdig;
at ang kaunlarang aming itinindig,
naiwawasak mo sa iisang saglit.
May yabag sa hulong hindi humuhupa,
habang gumagabi ay rumaragasa....
ayaw kong makitang ikaw`y maghimala
na ang pawawala`y nagdurugong sumpa!
Nais ko`y huwag kang magpunla ng poot
na magpapasibol sa binhi kong lungkot...
di baleng mabuhay na naghihimutok
kung may inaasam na kaunting lugod.
No comments:
Post a Comment